Nagsimula na ang Brigada Eskwela sa mga pampublikong paaralan sa bansa. Dito sa Dagupan City, nakiisa sa taunang school maintenance program ng Department of Education si Mayor Belen T. Fernandez upang tiyaking handa ang mga paaralan sa pagbabalik-eskwela.
“Ang Brigada Eskwela ay hindi isang araw, o isang linggo lamang. Dahil hindi dapat tayo tumitigil sa pagtulong sa pampublikong paaralan”, mensahe ng alkalde sa Division Kick Off na ginanap sa Federico N. Ceralde Integrated School sa Bonuan Binloc ngayong umaga, Lunes, July 22.
Dito ay itinurn-over rin ng alkalde ang listahan ng mga gamit bilang suporta sa Brigada Eskwela na abot sa 5 Million Pesos. Ayon kay Mayor Belen, resulta ito ng isinagawang PTA Summit kasama ng iba pang proyektong pang-edukasyon.
Ipinamalita ni Mayor Belen Fernandez ang mga naka linyang infrastructure projects bilang suporta sa edukasyon, maliban sa pagtaas ng allowance ng mga guro.
Sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Dr. Rowena C. Banzon at Assistant Schools Division Superintendent Dr. Ana Liza Chan, sinimulan ang aktibidad sa pamamagitan ng isang motorcade at dinaluhan ng mga National Government Agencies, Girls Scouts of the Philippines – Dagupan City Council Vice President Filipina delos Santos, Inner Wheel Club of the Dagupan sa pangunguna ng kanilang President, Elsa Bigcas, Bonuan Binloc Punong Barangay Wilmer Castanares, Barangay VAWC Desk President Rochelle Tamayo, school principals, mga guro at magulang sa pangunguna rin ng Division of Federated Parents-Teachers Association (DFPTA) President Gerry Pradez.