Pinangunahan ni City Mayor Belen T. Fernandez ang hand-over ceremony ng Computed Tomography (CT) Scan machine kahapon (July 6) sa City Health Office bilang bahagi ng Unli-serbisyo sa Pangkalusugan na programa ng pamahalaang lungsod.
“Ang programang pangkalusugan ay isa sa prayoridad ng ating administrasyon dahil napakahalaga ng buhay,” pahayag ni mayor habang pinasalamatan din niya ang Department of Health (DOH) sa kanilang suporta sa pagturnover ng mga kagamitang pang-medikal.
Ayon kay Mayor Fernandez, ang pinakahihintay na kaganapang ito ay isa sa kanyang pangarap upang makinabang ang mga Dagupeño sa mga serbisyong makatutulong sa pag-detect ng kung ano mang problemang pangkalusugan at maagapan o mabigyang-lunas ang mga ito.
“Ito ay bunsod din sa isang personal na trahedya dahil marami akong mga kaibigan at kakilala na namatay o mga pamilya nila na nawala na dahil hindi nila naagapan o napagamot ang kanilang mga karamdaman,” dagdag pa ng mayor.
Ayon kay DOH Regional Director Paula Sydiongco, “Isang milestone ang hand-over ng naturang machine sa Dagupan at nawa’y maging instrumento ito na mapalakas ang programa laban sa Covid-19.”
Pinasalamatan rin ni Regional Director Sydiongco ang Asian Development Bank (ADB) na siyang katuwang ng DOH sa Heal Covid-19 program sa layuning na mapalaganap ang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga medical equipment at supplies sa buong bansa.
Ipinabatid naman ni Director IV Leonita Gorgolon na ang Dagupan ay isa sa 33 sites lamang sa buong bansa na napili upang makatanggap ng CT Scan machine. Sa kasalukuyan, ang naturang equipment ay pang-walo pa lamang sa kabuuang bilang na naipamahagi na ng DOH at ADB.
“Kami ay laging handang suportahan ang mga programang pangkalusugan ng Dagupan,” ayon pa kay Gorgolon.
Noong taong 2019, pinasinayaan ni Mayor Fernandez ang Diagnostic Center na katabi ng CHO, sa tulong rin ng DOH.
Inanunsyo rin ng mayor na bukod sa CT Scan, mayroon ding Electrocardiogram (ECG), Ultrasound at X-rays sa Diagnostic center bukod sa laboratory tests na libreng maaavail ng mga indigent Dagupeños.