Tinurn-over ngayong araw sa barangay Pantal Tech4Ed Center ang mga computers at iba pang kagamitan mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Bahagi ito ng partnership ng DICT, lokal na pamahalaan at barangay council sa ilalim ng Technology for Education, Employment, Entrepreneurs, and Economic Development program o Tech4Ed na naghahatid ng libreng training sa mga kabataang nasa ilalim ng Alternative Learning System (ALS), PWDs, at iba pang residente sa barangay na nais matuto.
Tatlong (3) desktop computers, printers, wifi cloud cameras (cctv), router at iba pang kagamitan ang tinanggap ng barangay Pantal sa pamumuno ni Kapitana Julie Perez mula sa DICT at lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Belen Fernandez kasama sina DICT OIC Provincial Officer Elvis Cayabyab, Dagupan City Management Information Office System (MISO) Head Ryan Catañeda at iba pa.
Ayon kay DICT OIC Provincial Officer Cayabyab, ang mga karagdagang equipment ay para sa continuous training na maipahahatid pa para sa mga Dagupeño.
Ilan sa mga free trainings na maaaring ma-avail sa mga Tech4Ed centers ang basic Word Processing, troubleshooting,graphic design, canva editing tutorials at iba pa.
Bukas ang Tech4Ed Center sa barangay Pantal at sa City Library na kabilang sa 258 Tech4Ed centers sa buong Pangasinan sa ilalim ng LGUs at barangay.